-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Magasasampa ng kasong estafa ang lokal na pamahalaan ng Socorro, Surigao del Norte laban sa mga pasimuno ng Maharlika Nation na syang nagpapalabas ng Golden Zion o G-Zion currency.

Ito’y dahil sa komosyong dulot nito lalo na’t nang malaman ng mga tao na ang bawat-G Zion ay may halaga umanong 200-piso.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Socorro Mayor Felizardo Galaneda, na ang kanilang inalmahan ay ang pag-anunsyo ng Maharlika Nation na ang kanilang currency at mapapalitan umano ng gold bar na makukuha nila sakaling mapunduhan na.

Ito umano ang dahilan sa pagdagsa ng mga tao mula sa Davao Region, North at South Cotabato, Lanao provinces, pati na sa ilang lalawigan sa Visayas area.

May isa umanong mula pa sa Polomolok, South Cotabato na nag-motorsiklo lamang upang makakuha sa nasabing pera na ikinadismaya ng mayor.

Base sa kanyang natanggap na impormasyon, may iilang mga miyembrong nagsasabi sa kanya na may membership fee ang magpapa-miyembro sa Maharlika Nation habang may iba naming nagsasabi na wala itong bayad.

Dahil dito’y patuloy ang kanilang panawagan sa sambayanan mula sa iba’t ibang probinsya na hindi maniwala sa ipinagkakalat ng Maharlika Nation at hindi na magsadya pa sa kanilang bayan dahil wala umanong value ang pinagkakaghuluhan nilang G-Zion currency.