-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa natagpuang mga patay na baboy sa irrigation canal sa bahagi ng Bo.3 , Banga,South Cotabato.

Ito ang inihayag ni Barangay Kagawad Roming Olaer ng Bo. 3, Banga sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Olaer, malaki ang posibilidad na ninakaw ang mga baboy at inihulog lamang doon matapos na maabutan ang mga magnanakaw o nakita ng sinuman.

Dagdag pa ng opisyal, wala naman umanong may naiulat sa kanilang barangay na nawalan ng mga alagang baboy.

Kasabay nito, ipinasiguro ng opisyal na agad isinailalim sa test ang mga baboy ng Department of Agriculture upang malaman kung positibo ang mga ito sa African Swine Fever (ASF) at kalaunan ay nalaman na nag-negatibo naman ang mga ito.

Ngunit sa ngayon ay inaalam pa ang posibilidad na ASF pa rin ang ikinamatay nito o sa anumang paraan.

Agad naman na inilibing ang mga baboy upang hindi na makapag-contaminate sa lugar.

Pinawi naman ng DA ang pangamba ng publiko na makakahawa sa ibang alagang baboy nga mga residente sa lugar ang ikinamatay ng mga ito.