Binatikos ni House Deputy Majority Leader Janette Garin ang mga “fake expert” na kumukwestyon sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Tingog Party-list, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at Development Bank of the Philippines (DBP) na naglalayong pondohan ang pagpapatayo ng mga ospital at medical facilities na patatakbuhin ng mga lokal na pamahalaan.
Sa kanyang privileged speech noong Lunes, binigyang-diin ni Garin na layunin ng MOA na palawakin ang imprastraktura ng mga ospital sa bansa, at pinabulaanan ang mga alegasyon ni Dr. Tony Leachon na ang kasunduan ay ginamit sa pulitika at may mga legal na isyu.
Binigyan-diin ni Garin may karapatan ding makilahok ang mga mambabatas sa mga usaping pangkalusugan dahil sila ay hindi lamang tagapagsalita ng mamamayan kundi tumutulong din sa pagtukoy ng mga kakulangan na kailangang agarang pagtugon.
Hamon din ng lady solon sa mga bumabatikos sa MOA na tumulong sa sektor ng kalusugan at “patunayan ang kanilang sinasabi sa pamamagitan ng gawa.”
“Hindi naman sinasabi na bawal tumulong ang iba. ‘Yung mga maiingay dyan at nagpapanggap na eksperto, I dare them to come out in the open and do the tasks and address the gaps we face at the present,” ayon kay Garin.
Giit pa ni Garin, binanggit sa MOA ang tungkulin ng Tingog sa pagtulong sa mga local government unit (LGU) upang ma-access nila ang mga financial mechanism ng DBP sa pamamagitan ng fiscal training, capacity-building, at iba pang mga inisyatibo.
Paglilinaw pa ng mambabatas, na walang pondong ililipat sa Tingog, at ang mga kasunduan sa pananalapi ay tanging sa pagitan lamang ng DBP at mga LGU, na sumusunod sa mga mekanismo ng DBP para sa pagkuha ng pautang.