GENERAL SANTOS CITY – Dumarami ang mga hotel na nag-alok sa LGU-GenSan upang magamit na isolation facility.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo GenSan ni Mayor Ronnel Rivera matapos na dinala sa mga pension house sa lungsod ang halos 60 OFW na taga GenSan na kabilang sa mahigit 200 OFW na dumating.
Sakay ang mga ito sa dalawang eroplano mula sa Metro Manila matapos na ma-stranded ng halos tatlong buwan dahil sa COVID 19 pandemic.
Una rito, sinuri ng mga doktor ang kondisyon ng mga ito kung nakitaan ba ng mga sintomas sa covid 19.
Ayon sa alkalde, sagot ng lungsod ang pagkain at iba pang pangangailangan ng mga OFW hanggang sa matapos ang kanilang 14 days quarantine.
Ang LGU din ang bahala sa bayad sa mga pension house na ginawang isolation facility.
Aasahan umano ang pag-uwi ng mas marami pang OFW mula sa Metro Manila nitong linggo.