Tiniyak ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na “all accounted” ang lahat ng mga bagay na narekober ng militar sa Marawi City.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay AFP Spokesperson M/Gen. Restituto Padilla, sinabi nito na nasa pangangalaga pa ng Joint Task Marawi ang lahat ng mga nakumpiskang gamit partikular ang pera na narekober noon.
Ayon kay Padilla, kanila itong iti-turnover sa proper authorities kapag tapos na ang giyera sa siyudad.
No comment naman si Padilla sa report na may ibinaon na pera ang mga teroristang Maute sa main battle area na tinatayang nasa P1 billion na umano’y ninakaw sa mga bangko at business establishments kung kaya hindi namumublema sa gastos ang mga ito.
Nabatid na ibinuyag ng ilang mga nailigtas na bihag na sangkot sa looting o pagnanakaw ang Maute Group.
Kung maaalala, buwan ng Hunyo ay nakarekober ng P52 million cash at P27 million halaga ng tseke ang mga sundalo sa isang bahay na ginawang kuta ng teroristang grupo.
Samantala, kahit patay na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute ay tuloy pa rin ang operasyon ng militar sa main battle area laban sa mga natitirang terorista.
Ayon sa militar, mas kritikal ang kanilang labanan ngayon dahil handang magpakamatay ang mga tinutugis na terorista.
Kabilang sa mga tinutugis ng mga sundalo ang foreign terrorist leader na si Dr. Mahmud Ahmad at ang pito pa nitong kasamahan na mga banyaga.