-- Advertisements --

Inamin ng isang opisyal ng Department of Education (DepEd) na hindi siguradong maibabalik ang mga perang nawala mula sa mga gurong nabiktima ng “isolated phishing shceme” sa bansa.

Sinabi ni DepEd Usec. Annalyn Sevilla na sa ngayon ay hindi pa alam kung maibabalik pa ang nawalang pera ngunit paglilinaw niya ay malaki pa rin naman aniya ang posibilidad nito lalo na kung walang naging pagkakamali sa bahagi ng biktima.

Paliwanag niya, nakadepende pa rin kasi ito sa nature at circumstances ng nangyaring transaksyon maging sa magiging resulta ng imbestigasyon ng mga kinauukulangan.

Ayon pa kay Sevilla, ito ang unang pagkakataon na nangyari ang naturang insidente sa mga kawani ng kagawaran kung kaya’t hindi ito biro lalo na’t malaking halaga ng perang pinaghirapan ng mga guro ang nasimot ng mga hindi pa nakikilalang salarin.

Samantala, tiniyak naman niya na patuloy ang kanilang isinasagawang pakikipag-ugnayan sa Land Bank of the Philippines kaugnay pa rin sa nangyaring “isolated phishing scheme” sa ilang mga guro mula sa iba’t-ibang mga rehiyon sa bansa at seryoso aniya ang kanilang isinasagawang mahigpit na pagbabantay dito kung sakaling may mga indibidwal pa na kanilang nasasakupan ang nabiktima din ng naturang panloloko.

Sa kabilang banda naman ay binigyang diin ni Jerry Liao, isang I.T. expert, na ang mga lehitimong bangko ay hindi kailanman manghihingi ng username at password sa telepono o sa pamamagitan ng text messages.

Payo niya sa publiko ay huwag basta-bastang magki-click ng kahit na anong link na kanilang natatanggap at tumawag muna aniya sa bangko o di kaya’y personal na magtungo dito upang masiguro na lehitimo ang mga ito.

Una rito ay ang naging pahayag ng Teacher’s Dignity Coalition (TDC) na nagkakahalaga sa P26,000 hanggang P121,000 ang nanakaw mula sa Landbank account ng mga guro nang makaranas ang mga ito ng unauthorized transactions mula sa hindi pa nakikilalang mga salarin.

Lumabas naman sa inisyal na imbestigasyon ng Land Bank of the Philippines na walang nangyaring hacking sa kanilang sistema at pawang mga nabiktima ng phishing ang device na ginagamit ng mga naturang guro dahilan kung bakit nangyari ang ganitong insidente.