-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Umakyat na sa 12 katao ang Person Under Monitoring (PUM) sa Corona Virus Disease o COVIT-19 sa Kidapawan City.

Ito ang kinumpirma ni City Health Officer Dr. Jocelyn Encienzo batay sa kanilang pinakahuling datus.

Ang person under monitoring ay may history of travel sa bansang may positibong kaso ng nCoV.

Nakapaloob sa travel history ang mga bansang China, Macao, Taiwan, at Hongkong dalawang linggo matapos idineklara ang kaso ng nCoV noong December 2019.

Ang mga PUM ay kailangan pa ring sumailalim sa 14 day-quarantine sa kani-kanilang mga tahanan.

Kung hindi makitaan ng sintomas tulad ng lagnat, ubo, sipon at hirap sa paghinga ang 12 katao sa Kidapawan City tapos na ang pagmonitor sa kanila.

Kapag nakitaan ng sintomas ang isang PUM sa loob ng kanyang 14 day quarantine ay maituturing na bilang Person under Investigation.

Kinumpirma naman ni Kidapawan City Health Office (CHO) chief Dr. Hamir Hechanova na ang 12 na PUM ay hindi nagpakita ng anumang sintomas na tulad ng trangkaso hanggang ngayon.

Nanawagan naman si Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista sa publiko na maging mahinahon at maging maingat at tiniyak nito sa mamamayan ng Kidapawan na ang LGU ay nagsusumikap sa bagay na ito.