DAGUPAN CITY – Iginiit ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na hindi naman malulugi at kikita pa rin ang pharmaceutical companies sakaling maisakatuparan ang pagbawas sa presyo ng daan-daang gamot ng hanggang mahigit 50 percent.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Duque inihayag nito na kung tutuusin ay malaki ang kita ng mga pharmaceutical industry sa bansa lalo napag-alaman nila na ang mga common branded medicines ay ilang beses na mas mataas ang presyo sa mga gamot sa mga mayayamang bansa tulad sa Amerika at Europa.
Sa katunayan aniya maging ang ilang generic medicines sa bansa ay apat na beses pa ang itinaas ang presyo kumpara sa international pricing reference.
Dahil dito kawawa aniya ang mga Pilipino na kakarampot ang sahod na nangangailangan ng gamot.
Lalo aniyang malulumpo ang taumbayan dahil dito kaya’t nais nilang mapababaan ang presyo ng mga ito.
Una nang iminungkahi ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP) kay Duque na sa halip na price cap, ay boluntaryo na lamang umano nilang babawasan ang presyo ng kanilang mga gamot dahil ang MDRP ay hindi naman talaga makakabenepisyo sa mga mahihirap na pamilya.