-- Advertisements --

Inabisuhan ng Konsulada ng Pilipinas sa Hong Kong ang mga Pilipino doon kaugnay sa wastong pagsasagawa ng pampublikong pagtitipon sa Hong Kong.

Sa inilabas na advisory ng Konsulada, pinaalalahanan nito ang mga Pilipino na mag-ingat sa kanilang mga aksiyon sa tuwing magtitipon sa mga pampublikong lugar upang masiguradong hindi maituturing ito bilang pampublikong pagtitipon na walang permit mula sa Hong Kong police.

Ayon sa Konsulada, nakasaad sa Hong Kong Public Ordinance na kailangan ng permit upang makapagsagawa ng pampublikong pagtitipon sa Hong Kong.

Sa ganitong mga pagtitipon, kailangan aniyang magpadala muna ng abiso sa Komisyoner ng Pulis sa HK bago mag-alas 11 ng umaga ng naunang linggo mula sa petsa ng planong pagtitipon.

May kapangyarihan kasi aniya ang komisyoner ng HK police na pigilan ang pampublikong pagtitipon kung sa palagay nito ay kinakailangan itong pigilan para sa kanilang pambansang seguridad o kaligtasan ng publiko.

Maaari ding magpataw ito ng limitasyon sa pagsasagawa ng public assemblies kung saan ang mga lalabag dito ay mapaparusahan ng hanggang 12 buwang pagkakakulong at multa na hanggang HK$ 5,000.

Maaari namang maparusahan ng hanggang 5 taong pagkakakulong ang mga hindi magbibigay ng abiso sa komisyoner kaugnay sa planong public assembly o kaya naman ay pagiging magulo o marahas na pagsasagawa ng pagtitipon.

Kaugnay nito, pinapayuhan ang mga Pilipino sa HK na maging maalam sa mga lokal na batas at siguruhing alinsunod sa legal requirements ng siyudad ang anumang pampublikong aktibidad.

Nauna ng napaulat sa ibang bansa gaya sa Qatar kung saan inaresto at ikinulong ang nasa kabuuang 20 Pilipino kabilang ang 3 bata dahil sa umano’y pagsasagawa ng hindi awtorisadong rally. Subalit kalaunan, ibinasura din ang mga kaso laban sa kanila at pinalaya.