Pinapayuhan ang mga Pilipino sa Papua New Guinea (PNG), lalo na sa Port Moresby at mga kalapit na lugar, na magdoble-ingat dahil sa tumataas na bilang ng marahas na insidente.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), dapat iwasan ang pagpunta sa delikadong lugar at huwag lumabas sa alanganing oras.
Ang babala ay batay sa security advisory ng Philippine Embassy sa Port Moresby kasunod ng serye ng brutal na pag-atake, kabilang ang kaso ng isang babaeng dinukot, ginahasa, at pinatay ng higit 20 lalaki.
Habang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente, nagpahayag ng pagkabahala ang United Nations (UN) at nanawagan ng hustisya para sa mga biktima.
Pinapayuhan ang mga Pilipino na umiwas sa hindi kinakailangang biyahe sa gabi at agad makipag-ugnayan sa embahada para sa anumang tulong.