-- Advertisements --

Napagalaman ng Bureau of Immigration (BI) na ang mga pilipinong biktima ng human trafficking sa Cambodia na siyang napilitang magtrabaho sa mga scam hubs ay ibinebenta, binibili at inililipat sa iba’t ibang mga sindikato sa loob ng naturang bansa.

Sa isang pahayag, ayon kay BI Commissioner Joel Viado, ilang mga pilipinong nakauwi na ng bansa na sumailalim sa repatriation ang siyang nagbunyag ng mga kalakarang ito ng kanilang mga employers na pawang mga bahagi ng sindikato.

Nauna na dito ay inihayag ni Viado na ang mga naturang pilipino ay na-recruit lamang sa pamamagitan ng mga social media ads na nangangako ng mataas na sahod bilang encoder sa ibang bansa.

Samantala, ang kwento namang ito ng mga biktima ay isa lamang aniya patunay na ang mga sindikatong ito ay patuloy na magsasagawa ng kanilang mga operasyon na walang pakialam sa human dignity ng kanilang mga nabibiktima at walang awang inaabuso ang mga ito.