Inihayag ng Bureau of Immigration ang kanilang babala sa publiko upang mag-ingat bunsod ng insidenteng pagbebenta umano sa mga Pilipino sa sindikato ng scamming sa bansang Cambodia.
Kung saan, ibinihagi ng kawanihan na mayroong apat na mga Pilipinong biktima ang kanilang inasiste upang makauwi lamang pabalik ng bansa.
Katuwang anila rito ang Philippine Embassy sa Cambodia, at ang Inter-Agency Council Against Trafficking o IACAT.
Sinasabing ibinenta ang mga naturang biktima sa isang sindikato ng pang-i-scam matapos maloko at mabiktima ng pekeng job offers abroad.
Batay naman sa imbestigasyon, lumalabas na ang mga Pilipinong ito ay na-recruit at na-engganyo dahil sa social media job advertisement na may pangakong mataas pasahod bilang encoder at customer service staff.
Ngunit nang dumating na sa ibang bansa, ang kanilang mga hawak at bitbit na pasaporte ay pinagkukumpiska at sapilitan pang pinagtatrabaho sa mga online fraud operations.
Pinagpapanggap umano sila bilang mga FBI agents o kasintahan sa mga dating platforms para lamang mang-scam ng mga foreign nationals.
Samantala, kung di’ man nila maabot ang target o quota, ang mga biktima ay pinarurusahan pa; mas mahabang oras ng trabaho, at kalauna’y ibinebenta sa ibang sindikato.
Ayon kay Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, itinuturing ang mga Pilipinong biktima bilang mga sariling pag-mamay-ari na siyang binebenta, binibili, at inaabuso pa.
Isa sa mga biktima ay ibinahagi at inilarawan na sila’y pinagtatrabaho ng 16 hanggang 20 oras kada-araw kasabay ng pagbabantang ikukulong at minsa’y parusang pananakit.
Kaya naman dahil dito, nagbigay babala si BI Commissioner Viado sa publiko na iwasan at tanggihan ang mga illegal offers online.
“We urge jobseekers to avoid illegal offers online. Always go through the Department of Migrant Workers,” ani Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado
Kasabay din nito ang isinasagawang imbestigasyon ng Inter-Agency Council Against Trafficking upang tuluyang matukoy ang mga nasa likod ng iligal na pang-rerecruit.