Tinawag na traydor at hindi makabayan ng isang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga Pilipinong ipinagtatanggol ang China sa panibagong gusot sa may West Philippine Sea.
Inihayag ni PCG spokesperson on the West Philippine Sea Cmdr. Jay Tarriela na pagtraydor sa Pilipinas at sa taumbayan ang sinumang Pilipino na nasa pamahalaan o pribadong sektor anuman ang kanilang paninindigan sa pulitika na dumidepensa at gumagawa ng mga dahilan para sa agresibong gawain ng China.
Sa kasalukuyang mga development aniya sa WPS, mahalaga na ipakita ang ating katapatan sa bansa.
Sinabi din ng opisyal na bagamat mayroong constitutional rights ang bawat Pilipino para malayang ihayag ang kanilang mga opinion sa isyu, ang kanilang kalayaan sa pagpapahayag ay dapat na hindi gamitin bilang mouthpiece o paghahayag ng pananaw ng China.
Dapat din na lahat ng mga Pilipino ay magkaisa sa pag-call out sa agresibo at hindi makatarungangang aksiyon ng China sa WPS at magtulungan sa pagprotekta ng interes ng ating bansa at itaguyod ang mapayapang resolusyon sa mga isyu.
Samantala hindi naman na isiniwalat pa ng opisyal kung sino ang mga partikular na indibidwal na kaniyang tinutukoy na dumidepensa sa bansang China.
Ang naging pahayag ng opisyal ay kasunod na rin ng panibagong gusot sa pagitan ng Pilipinas at China matapos na harangin at bombahin ng tubig ng China Coast Guard ang resupply boat ng Pilipinas sa may Ayungin shoal na bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas.