Itinanggi din ng mga nasugatang Pilipinong mangingisda na tinulungan sila ng mga Chinese personnel matapos ang pagsabog ng makina ng kanilang bangka na FB Akio habang nasa Bajo de Masinloc.
Ayon sa kapitan ng barko na isa sa nasugatan sa insidente, humingi sila ng tulong sa pamamagitan ng radio message at dumating ang isang Filipino boat na malapit sa kanilang lokasyon at dinala sila sa papalapit na barko ng Philippine Coast Guard.
Tahasan ding itinanggi ng isa pang mangingisdag Pilipino na nasugatan sa pagsabog na si Rolando Lumampas na sinagip sila ng Chinese at sinabing gawa-gawa lang nila ito.
Aniya, gawain na ng China na palabasing tutulong sila kung saan kapag lumalapit sila sa naturang karagatan hinaharang sila at tinataboy ng malalaking bangka ng China.
Ginawa ng mga nasagip na mangingisdang Pilipino ang pahayag kasunod ng pinalutang nanaman ng China partikular ng ulat mula sa state media nito na Global Times na nagsagawa umano ito ng rescue operation sa mga mangingisdang Pilipino at nagbigay ng lifebouys at life jacket.
Subalit sa panig ng Philippine Coast Guard, una ng pinabulaanan ni PCG spokesperson for the WPS Comm. Jay Tarriela ang claim ng China na tumulong ito sa mga Pilipinong nasugatan sa halip ay hinarang pa at hinarass ng CCG at Chinese militia vessels ng ilang beses ang barko ng PCG na BRP Sindangan na reresponde sa mga nasugatang mangingisda.
Sa kabila nito, matagumpay na nasagip ng PCG ang 2 nasugatang mangingisdang Pilipino at kanilang mga kasamahan na lulan ng bangka na bahagyang lumubog matapos ang pagsabog. Hinatak rin ng BRP Sindangan ang bangka patungo sa pantalan ng Subic, Zambales.