Nasa kabuuang 75% na mga Pilipino pa rin ang nananatiling mahusay sa wikang Filipino, habang nasa 47% na mga Pinoy lamang naman ang naitala ng mga kinauukulan na matatas sa wikang Ingles.
Ito ang lumabas sa pinakahuling datos na survey na isinagawa ng Social Weather Station sa nasa 1,200 na mga indibidwal mula noong Marso 26 hanggang Marso 29 ng taong kasalukuyan.
Sa datos na nakalap ng SWS, aabot sa 96% ang bilang ng mga respondents nito ang nakakapagbasa ng wikang Filipino; habang nasa 93% naman ang mga nakakapagsulat at nakakaintindi ng naturang lenggwahe, at nasa 75% naman ang mga Pinoy na nag-iisip sa Filipino.
Bukod dito ay nakapagtala rin ito ng tig-80% na mga Pilipinong nakakaintindi at nakakapagbasa ng wikang Ingles, habang nasa 69% naman ang nakakapagsulat sa Ingles, nasa 55% naman ang marunong magsalita sa Ingles, at 47% naman ang nakakapag-isip sa Ingles.
Ayon sa SWS, ang naturang mga datos na nakalap noong Marso 2023 ay ang pinakamataas na bilang na naitala sa bansa mula noong September 2000.
Kung maaalala, noong taong 2020 ay inilagay ng international language training company Education First sa ika-27 pwesto ang Pilipinas sa Proficiency Index, na mas mababa ng pitong spots noong taong 2019.