Nilinaw ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo Jose de Vega na hindi kailangang kanselahin ng mga Pilipino ang kanilang mga flights papuntang South Korea.
Ayon kay de Vega, hindi delikadong magtungo sa SoKor sa kabila ng pinakahuling political development na nangyari sa naturang bansa.
Giit ng opisyal, posibleng magpapatuloy ang ganoong tensyon sa SoKor dahil sa kasalukuyang political situation nito, kaya’t ito dapat ang ikunsidera ng mga Pilipinong nagnanais magtungo roon bilang mga mangagawa o mga turista.
Naniniwala rin ang DFA official na hindi maaapektuhan ang employment status ng mga Pinoy sa gitna ng tumitinding tensyon sa loob ng naturang bansa.
Ang pangunahing inaalala lamang ngayong ng pamahlaaan aniya ay ang kalagayan, kaligtasan, at ang araw-araw na sitwasyon ng mga Pilipinong naroon.
Una na ring naglabas ng paalala ang embahada ng Pilipinas sa SoKor at pinayuhan ang mga Pinoy na naroon na huwag mag-panic, bagkus ay maging mahinahon lamang habang binabantayan ang kasalukuyang sitwasyon.
Sa kasalukuyan ay mayroong 78,000 Pinoy sa SoKor, pinagsama na dito ang mga documented at mga undocumented.