Ibinunyag ni dating Bureau of Corrections (BuCor) OIC Rafael Ragos na talagang matindi ang mga raket sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).
Si Ragos ay namuno sa BuCor noong panahon ng Aquino administration.
Kabilang sa sinasabi nitong source ng pera ng bureau officials ay suhol mula sa mga sugalan, pagpasok ng pagkain, kidnap for ransom at pagpasok ng mga babae para sa high profile inmates.
Itinago ang deal sa mga babae sa code na “tilapia.”
Dito ay umaabot umano sa P30,000 ang bayad para sa isang babae upang mag-perform at iba pang gawain.
Nabanggit pa bilang example ang grupo ng “Mocha Girls” na isa raw sa mga pinapasok sa national penitentiary noong mga nakalipas na panahon.
Lumalabas na P300,000 ang minimum na natatanggap ng BuCor official kada linggo at iba pa ang pasalubong kapag may bagong talagang pinuno, habang P5 million para sa special deals.
Muli ring nahalungkat sa pagdinig ng Senate committee on justice ang mga kontrobersiyang iniugnay kay dating Justice secretary at ngayon ay Sen. Leila de Lima.
Partikular na rito ang mga deal umano ng dating nobyo ng senadora na si Ronnie Dayan.
Sa salaysay ni dating BuCor OIC Ragos, idiniin nito si Dayan sa maraming iligal na gawain, kasama na ang pagpasok ng mga kontrabando sa New Bilibid Prisons.
Pero para kay Sen. Panfilo Lacson, normal lang na madaanan ang isyu kay De Lima dahil hinahanap nila ang mga problema sa NBP para magawan ng angkop na hakbang.
Sa naging paliwanag ni Lacson, kaya inilutang sa pagdinig sa Senado sina Ragos at dating intelligence officer sa Bucor na si Jovencio Ablen Jr. ay sa dahilang ayaw magtapat ng mga kasalukuyang opisyal ukol sa mga “money-making activities” sa Bilibid.
Sina Ragos at Ablen ay kapwa mga testigo sa kasong kinakaharap ni De Lima.
Ang dalawa ay nasa ilalim ng DOJ Witness Protection Program.
Ang orihinal na paksa ng hearing ay tungkol sa maling pagbibigay ng good conduct time allowance (GCTA), lalo na sa mga kriminal na nahatulan ukol sa heinous crimes.