LEGAZPI CITY – Nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan hinggil sa insidente ng pagpapaputok ng baril sa Bravo Company Detachment ng 22nd Infantry Batallion ng Philippine Army sa Brgy. Doña Mercedes, Guinobatan, Albay.
Sa impormasyon na nakalap ng Bombo Radyo Legazpi, mismong ang barangay officials sa naturang lugar ang nagpaabot ng impormasyon sa kapulisan matapos marinig ang ilang putok ng baril malapit sa naturang detachment.
Matapos ang koordinasyon sa Philippine Army, nabatid na nasa pitong pinaniniwalaang kasapi ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nasa likod ng harassment.
Nakapuwesto umano ang mga ito sa distansyang nasa 300 metro ang layo sa timog-kanluran ng barangay.
Tumagal ng tatlong minuto ang naturang aktibidad ng grupo habang wala namang naitalang casualty sa insidente.
Kaugnay nito, nananatiling naka alerto ang pwersa ng pamahalaan.