-- Advertisements --

CEBU CITY – Ipinagmalaki ng Philippine Sports Commission (PSC) na nagkakaisa ang buong Pilipinas sa nalalapit na 30th Southeast Asian (SEA) Games na magbubukas na sa darating na Nobyembre 30.

Ito ang naging pahayag ni PSC Commissioner Ramon Fernandez sa naganap na SEA Games Torch Run noong Sabado, Nobyembre 16 sa Cebu.

Ayon kay Fernandez, handang-handa nang sumabak ang mga atleta sa iba’t ibang mga laro sa naturang biennial multi-sport event.

Hiling ngayon ni Fernandez sa mga Cebuano na ipagdasal ang mga pambato sa Pilipinas upang maging ligtas at makamit ang inaasam na tagumpay.

Isa sa mga naging panalangin ng PSC Commissioner ay ang pagiging overall champion ng bansang Pilipinas sa isasagawang mga palaro sa biennial meet.

Samantala hindi inalintana ng higit sa 6,000 mga Cebuano ang maulang panahon upang makiisa sa nalalapit na opening ceremonies ng reginal showpiece.

Kabilang sa mga torchbearers sina OPAV Sec. Michael Dino, Cebu City Mayor Edgardo Labella, at ang Cebuano triathlete na si Kim Remolino.

Susunod na isagawa ang ceremonial torch relay sa Pampanga ngayong Nobyembre 23.