Siniguro ng Philippine Sports Commission (PSC) na ginagawa nila ang lahat upang tiyaking handa na ang mga atleta ng bansa sa nalalapit nilang kampanya sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Ayon kay PSC chairman William Ramirez, mula sa annual budget na P300-milyon ay gumastos na raw sila ng P1-bilyon upang masigurong well-trained at mataas ang motibasyon ng mga national athletes.
Tinaasan din daw ng PSC ang daily at meal allowances ng mga athletes at coaches, at pinaganda rin umano nila ang kanilang mga living quarters at training facilities.
Naniniwala naman si Ramirez, na siya ring chef de mission ng Team Philippines, na ang exposure o pagkalantad ng mga atleta sa mga kompetisyon sa ibang bansa ang maglalabas ng kanilang angking galing pagsapit ng SEA Games.
“Because of that exposure, malakas ang loob ko. We can deliver a surprise in the SEA Games,” wika ni Ramirez.
“And it’s very inspiring to see the results. We have found new heroes,” anang PSC chief, bilang pagtukoy kina gymnast Caloy Yulo, boxer Nesthy Petecio at pole vaulter EJ Obiena.
“With all our investment, I am confident that our athletes will deliver in this SEA Games,” dagdag nito.
Target din ng opisyal na maduplika ang tinaguriang “Miracle of 2005” kung saan naibulsa ng Pilipinas ang overall title sa SEA Games.
Sa nasabing bersyon ng regional sports meet, kumubra ang Pilipinas ng 112 gintong medalya.