Hinimok ni Vice President Leni Robredo ang mga Pilipino na salubungin ang papasok na taong 2020 na may pag-asa, galak at ngiti.
Sa mensahe ni Robredo ngayong Bagong Taon, sinabi nito na dapat manatili ang ngiti sa kabila ng mga pinagdadaanang pagsubok at biyaya sa buhay.
“Bago tayo bumalik sa ating mga trabaho at kanya-kanyang mga pinagkakaabalahan sa araw-araw, sana ay huminto muna tayo sumandali upang pagnilayan ang mga bagay na tunay na mahalaga—sa ating sarili, sa ating kapwa at mga mahal sa buhay, at sa ating Inang Bansa,” saad ni Robredo.
Nananatili rin umanong malinaw ang pangarap para maghatid ng maginhawa at mas maayos na buhay para sa bawat pamilyang Pilipino.
Ani Robredo, pagsusumikapan pa rin daw nilang maabutan ng tulong ang mga malalayo, maliliit at mahihirap na komunidad sa bansa.
“Salubungin sana natin ang bagong taon nang may pag-asa sa ating mga mata, galak sa ating mga puso at ngiti sa ating mga labi—ngiti na nagsasabing sa kabila ng lahat ng ating pinagdaanan at pagdadaanan pa, ay napakaraming bagay na dapat din nating ipagpasalamat,” ani Robredo.
Sambit pa ng pangalawang pangulo, magbalik-tanaw sa nagdaang taon para gunitain ang magagandang alaala na may aral na maaaring baunin sa papasok na taon.