Tiniyak ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon “Mon” Fernandez na patuloy na tinutugunan ng mga kinauukulang ahensiya ang mga reklamo ng ilang atleta kaugnay sa hosting ng Pilipinas sa SEA Games.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo sa basketball legend, sinabi ni Fernandez na wala namang “excuse” sa kapalpakan pero binibigyan na nila ito ng solusyon.
Kasabay nito, dumipensa si Fernandez na hindi naman tinitipid sa kanilang mga pagkain ang mga atleta.
Kaugnay nito, binigyang diin pa ng tinaguriang PBA “El Presidente” kung meron mang ilang aberya na naiulat, ganon din naman daw ang nangyayari sa ibang bansa kung sila naman ang hosts.
Si Fernandez na four-time MVP sa PBA ay ilang beses na ring naging miyembro ng national team sa basketball mula pa noong 17-anyos pa lamang siya.
Kasabay nito, umapela ang commissioner sa publiko na sana ibuhos ang suporta sa mga atleta at punuin ang mga venues upang samantalahin ang homecourt advantage.
Nanawagan pa ang opisyal na sana naman magkaisa ang lahat sa pagkakataong ito sa larangan ng isports.
“Yong mga palakpak natin yong mga dasal natin para naman ma-maximize natin yong homecourt advantage kasi dito sa atin gagawin ano. Syempre mapi-pressure yong mga kalaban natin kung marami sa atin ang pumapalakpak sa mga atleta natin at nagbo-boo sa mga kalaban and besides these are part of the game. Mai-inspire yong mga atleta natin, kaya suportahan natin, magkaisa naman tayo sa larangan ng palakasan,” ani Fernandez.