Ipinagmalaki ng Department of Health (DOH) na negatibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang lahat ng mga Pilipinong pinauwi galing Wuhan City sa Hubei province, China.
Sa pulong balitaan sa punong tanggapan ng Department of Health, sinabi ni DOH Asec. Maria Rosario Vergeire na walang ipinakitang sintomas ng nasabing virus ang lahat ng 49 Pilipinong na-repatriate at naka-quarantine sa Athletes’ Village sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
Gayunman, isinugod sa isang kalapit na ospital sa Tarlac ang isang 38-anyos na babaeng buntis matapos magkaroon ng high blood pressure.
“What our medical team did, to be sure, was to bring her to our referral hospital,” wika ni Vergeire.
Umaasa naman ang kagawaran na matatapos na sa Sabado ang quarantine period lalo pa’t maganda naman ang lagay ng kalusugan ng mga pasyente.
“The rest are okay,” anang opisyal. “Hopefully the quarantine period will end this coming Saturday.”
Sa oras na magtapos ang quarantine period, ihahatid sa kani-kanilang mga lalawigan ang mga Pinoy repatriates kung saan ang iba ay susunduin ng mga kamag-anak.
Sa kabila nito, imo-monitor pa rin sila ng DOH upang matingnan kung magpapakita pa ang mga ito ng sintomas.
Kaugnay nito, taas-noo ang DOH na naging matagumpay ang repatriation, sa kabila ng aniya’y minor gaps sa proseso.
“We can definitely say that the repatriation was successful. There were some minor gaps in the processes and these have been discussed.”
“Hopefully for the next batch, the minor gaps won’t happen again,” sambit nito.