-- Advertisements --

Nilinaw ng Malacanang na ang mga Pinoy workers sa India at anim pang bansa na kabilang sa repatriation programs ng pamahalaan at mga recruitment agencies ay maaari pa ring makapasok sa Pilipinas.

Ito’y sa kabila ng nakapataw na travel ban sa India, gayundin sa Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, at Oman, sa layuning maiwasang makapasok ang Delta COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).

Ang nasabing COVID variant kasi ay unang natukoy sa India, bagay na inilarawan ng World Health Organization bilang global concern.

“Filipinos covered by the repatriation programs of the government and repatriation activities of manning/recruitment agencies cleared by the Bureau of Quarantine are not prohibited from entering the Philippines,” wika ni Presidential spokesperson Harry Roque ngayong Linggo, June 20.

Gayunman, sasailalim pa rin aniya sa mga pagsusuri at quarantine protocols ang mga Pinoy na magmumula sa mga nabanggit na bansa.

Nabatid na dumoble pa sa mahigit 330,000 ang mga nasawi sa India bunsod ng COVID-19.