-- Advertisements --

BACOLOD CITY — Maituturing ng isang Overseas Filipino Worker na mas maswerte ang Pilipinas kaysa sa England dahil mas mahigpit ang pagbabantay ng gobyerno dito sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa ulat sa Bombo Radyo Bacolod ni Bombo Correspondent Victor Manejero direkta sa Stockton-on-Tees, England, kahit na first world country ang England, napakabagal ng hakbang ng gobyerno laban sa COVID-19.

Aniya, walang mga personal protective equipment ang mga medical staff at tanging facemask lamang ang mga suot nito.

Dagdag pa ni Manejero na mas mabuti pa sa Pilipinas dahil mayroong agad na swab testing sa mga pasyente, doon sa England matagal na bago makunan ng swab sample ang pasyente.

Napag-alaman na palobo nang palobo ang kaso ng COVID-19 doon kung saan ayon sa pinakahuling update, umabot na sa 88,621 ang kumpirmadong kaso sa United Kingdom at 11,329 na ang namatay habang wala pa ring gumagaling sa nasabing sakit.

Umabot na din sa 16 na mga Pilipino ang namatay dahil sa coronavirus sa United Kingdom.

Sa ngayon, dalawang araw na na mayroong dinadamdam na mild COVID si Manejero.

Ayon sa kanya, unang nakaramdam nito ang kanyang misis na isang nurse.

Naka-self isolate ngayon ang mga ito sa kanilang bahay.

Umaasa naman ito na matatapos din ang health crisis na pinagdadaanan ng lahat.