-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Walang Pilipinong nasugatan sa wildfires na nanalasa sa Los Angeles, California.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Jo Frias na ang kanilang tinitirhan sa makasaysayang Filipino town, Los Angeles ay hindi naapektuhan ng malaking sunog.

Ngunit patuloy pa umanong kinukumpirma ang impormasyon na may ilang Pinoy ang na-trap sa nasusunog na bahay sa ibang bahagi ng LA.

Sa ngayon aniya ay marami ang apektado, kasama ang mga mamahaling bahay ng ilang kilalang Hollywood celebrities gayundin ang nasa 10,000 na structures kabilang ang ilang mga paaralan.

Dagdag pa nito na mistulang naging ghost town ang downtown LA dahil halos lahat ng bahay ay natupok ng apoy.

Sa kabilang daku, sinabi ni Frias na hindi naapektuhan ang kanyang trabaho sa child care center subalit may pagkakataong nalalanghap nila ang usok.

Ipinaliwanag ni Frias na nagsimula ang sunog dahil sa tinatawag na Santa Ana wind o mistulang bagyo na may sobrang lakas ng hangin na walang dalang ulan.

Nagkaroon aniya ito ng friction na naging sanhi ng pag-apoy ng mga puno sa bulubunduking bahagi at mabilis na kumalat dahil masyadong tuyo ang lugar.

Libu-libong katao mula sa Pacific Palisades ang nag-evacuate at patuloy na namamalagi sa mga centers malapit sa dagat.

Milyon-milyon rin umanong residente ng Southern California ang nakaranas ng malawalakang power interruption.