Nangako ang Chinese Embassy to the Philippines na bibigyan ng kanilang gobyerno ng kinakailangang tulong ang mga Filipino na nananatili sa Wuhan City at iba pang lugar na may laganap na kaso ng novel coronavirus (NCoV).
Sa pahayag ni Chinese Ambassador Huang Xilian sa press conference sa Makati City, sinabi nitong lubos nilang pinahahalagahan ang kalagayan ng mga Pinoy doon, sa harap na rin ng peligrong dala ng nakahahawang sakit.
Giit ng opisyal, habang sinisiguro nila ang kapakanan ng kanilang mga kababayan na narito sa Pilipinas, sinisikap din nilang makatulong sa mga mamamayan ng ating bansa.
Kaagapay umano nila ang grupo ng Chinese businessmen sa pagkakaloob ng facemask at iba pang tulong.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 213 ang mga nasawi dahil sa Wuhan coronavirus, habang mahigit 9,000 naman ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa naturang sakit.