-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Humihingi ng tulong mula sa Philippine Embassy sa United Arab Emirates ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng tirahan matapos palikasin ng UAE government ang mga ito mula sa 15-story family residential building sa Airport Road sa Abu Dhabi kung saan nangyari ang gas explosion kamakalawa na ikinasawi ng dalawang Pinoy.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Precious Gem Battaring, senior administrator ng isang group of companies sa Abu Dhabi, sinabi niyang maraming mga pamilyang Pilipino ang nakatira sa nasabing gusali kung saan, nakatira ang pamilya niya sa isang yunit sa ikapitong palapag ng gusali at nag-aayos ng bagahe pauwi ng Pinas ang kanyang ina nang mangyari ang insidente.

Aniya, malakas ang impact ng pagsabog sa kainan na nasa unang palapag ng gusali dahil kahit nasa seventh floor ang kanilang unit ay nawasak ang kanilang main door, bumuka ang katapat nilang elevator doors, naramdaman ang mahinang pagyanig at may mga bumagsak na kisame sa hallway nila at pati na rin ang ibang bintana.

Sa ngayon, magtatapos na ang dalawang araw na libreng akomodasyon sa hotel na kanilang nilikasan kaya naghahanap sila ng malilipatan.

Kuwento pa nito, dahil sa pagmamadali ng kanilang pamilya na bumaba sa gusali ay mga mahahalagang dokumento lamang ang nadala nila gaya ng mga passports.

Aniya, sarili na nilang gastos kung sakaling magtatagal sila sa nilikasang hotel.

Dinagdag nito na posibleng hindi na bumalik ang mga residente sa gusali dahil bawal itong lapitan at mismong pundasyon ang napuruhan.

Samantala, ibinahagi ni Battaring na kanilang nakakasalamuha ang OFW na cashier sa fastfood chain na nasawi sa insidente dahil palagi silang kumakain doon.