Hinikayat ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga overseas Filipino worker sa Japan na tawagan ang hotline nito kung kailangan nila ng tulong matapos ang malakas na lindol na tumama malapit sa kanlurang baybayin ng Honshu.
Sa isang post sa online, ibinahagi ni Department Officer-In-Charge Hans Leo Cacdac ang mga sumusunod na numerong maaaring tatawagan:
DMW-OWWA Japan Help Desk na may hotline 1348 (sa ibang bansa +632 1348)
DMW-MWO-OWWA Osaka hotline number +81 7022756082 at + 81 7024474016
Sinabi naman ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Eduardo de Vega na naghihintay pa rin sila ng mga ulat mula sa awtoridad sa Japan kung may mga Pilipinong naapektuhan ng lindol.
Aniya, humigit-kumulang 298,740 Pilipino ang nasa Japan, kabilang ang humigit-kumulang 1,305 sa Ishikawa Prefecture.
Una rito, inisyal na naiulat na nasa 7.6 magnitude na lindol ang tumama ngunit base sa namonitor ng Phivolcs nasa 7.4 ang tumama sa gitnang Japan at sa kanlurang baybayin noong Lunes, na nagdulot ng mga babala para sa mga residente na lumikas, nawalan ng kuryente ang libu-libong mga tahanan at nakagambala sa mga flight at serbisyo ng tren patungo sa mga apektadong rehiyon.