KALIBO, Aklan – Na-trauma ang ilang mga Pinoy na malapit lamang sa lugar kung saan naganap ang malakas na pagsabog sa Beirut, Lebanon.
Ayon kay Bombo international correspondent Donavil Gaborno, residente ng Brgy. Old Buswang, Kalibo, Aklan at kasalukuyang nagtatrabaho bilang domestic helper sa Beirut na buong akala nila ng kanyang amo na malakas na lindol ang yumanig sa kanilang lugar matapos matumba ang mga gamit sa loob ng bahay at gumalaw ang mga bintana.
Subalit, paglabas nila sa kanilang balcony ay nakita nila ang malaking apoy sa bahagi ng pantalan ng Beirut.
Tanaw aniya nila ang malaking sunog mula sa 8th floor ng tinutuluyang building.
Samantala, sinabi pa nito na hindi niya makakalimutan ang naging karanasan, kung saan hanggang sa ngayon ay hindi halos makatulog dahil sa takot na nararamdaman.
Dahil sa nangyari, naramdaman umano niya ang malasakit ng kanyang babaeng amo kaya pinatulog muna siya sa kanyang kwarto upang mapawi ang takot.
Emosyunal rin itong nagpasalamat dahil sa walang masamang nangyari sa kanya.
Sinasabing dahil sa kapabayaan sa storage ng 2,750 tons ng ammonium nitrate na anim na taon nang nakaimbak sa bodega kaya nangyari ang insidente.