-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nagtatiyaga na muna sa ngayon ang ilang mga Pilipino na walang trabaho sa Macau, matapos na magpatupad ang gobyerno ng partial lockdown dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Inna Santos-Angeles ang Bombo International News Correspondent sa Macau at Bise Presidente ng Filipino Community Alliance, maraming mga kababayan ngayon ang pahinga na muna sa kanilang mga tinutuloyan dahil sarado ang mga pinapasokang trabaho.

Mahigpit naman na ipinagbabawal ang paglabas ng tao lalo na kung wala namang importanteng gagawin habang maaari lamang na lumabas kung bibili ng pagkain, pupunta ng ospital o may essential na trabaho.

Idinadaing na umano ng mga Pilipino ang kawalan na ng pera na kanilang magagastos sa pang-araw-araw lalo pa at hindi pa rin malaman sa ngayon kung hanggang kailan magtatagal ang lockdown na nagsimula ngayon lamang na Hulyo 11.

Ipinagpapasalamat na lamang ng mga OFW na bagaman mahigpit ang gobyerno ng Macau ay libre na ibinibigay ang rapid test gayundin ang magagamit na face mask.