-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nangangamba umano ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Russia kung sakaling tumagal ang lumala pa ang kaguluhang dulot ng mga nangyayaring malawakang demonstrasyon sa nasabing bansa.

Una rito, nasa mahigit 5,000 katao ang dinampot ng mga pulis sa Russia matapos lumahok ang mga ito sa ikalawang sunod na linggong kilos-protesta bilang suporta sa ikinulong na opposition leader na si Alexei Navalny.

Sa ulat ni Star FM Bacolod international correspondent to Russia Ejay Merced, ipinagdarasal nilang huwag nang tumagal pa nang husto ang mga rally dahil kailangan lumabas ng karamihan sa kanila upang pumasok sa kanilang trabaho.

“Balita namin na bawat weekend magkakaroon ng protesta. Pinagdadasal nalang po namin na hindi mag-accelerate ang kaguluhang ito upang makapagtrabaho nang maayos at makapaghanapbuhay ang ating mga kababayan na nandito sa Russia,” ani Merced.

Todo naman ang paalala sa kanila ng Philippine Embassy na huwag magtungo sa mga matataong lugar at huwag nang lumabas kung hindi importante ang lalakarin.

Dahil sa mga malawakang protesta, napilitan ang Russian government na ipasara muna ang pitong metro sstations, mga restaurats, at business establishments sa Moscow.

Hinarangan din ng mga otoridad ang mga kalsada sa palibot ng Kremlin at halos ilagay na sa lockdown ang center capital lalo na’t inaasahan pang pagtaas ng bilang ng mga dinadampot na mga lumalahok sa demonstrasyon.