-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Umapela ang isang Pinoy nurse na United Kingdom na magtiwala sa bisa ng bakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19).

Si Leo Quijano na tubong Torrijos, Marinduque at nakabase ngayon sa Brighton, England ay nagpaturok ng Pfizer vaccine nitong Disyembre 9 o pangalawang araw ng mass vaccination program ng UK dahil kabilang ang mga health workers sa top priorities sa vaccination.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Quijano na dalawang dekada nang nagtratrabaho sa UK, nagpositibo siya sa COVID nitong Mayo at isa ito sa mga tumulak sa kanya na magpabakuna kaagad at kanya itong itinuturing na answered prayer.

Matapos ang injection, nanatili muna ito sa vaccination center ng 10 minuto upang maobserbahan.

Walang naramdamang masama ang Pinoy nurse sa araw ng vaccination at bumalik pa ito sa kanyang trabaho.

Ayon kay Quijano, natural lang ang side effects ng bakuna makalipas ang isang araw kagaya ng lagnat at konting panghihina ng katawan ngunit hindi naman nagtagal.

Sa ngayon, marami na ring Pinoy nurses sa UK ang nabakunahan laban sa virus.

Umapela naman ito sa mga kapwa Pilipino na magtiwala sa bisa ng bakuna dahil ginagawa ito ng pamahalaan para sa kaligtasan.

Nakahanda rin ito na tumulong sa gobyerno upang maeducate ang mga tao tungkol sa bakuna at maiwasan ang misinformation.