KALIBO, Aklan — Patuloy na mangingisda ang mga Filipino sa Bajo de Masinloc sa kabila ng banta ng China na kanilang aarestuhin ang mga ‘trespassers’ sa West Philippine Sea matapos ang isinagawang civilian mission.
Ayon kay Leonardo Cuaresma, presidente ng New Masinloc Fisherman’s Association na kahit buwis-buhay magpapatuloy sila sa pangingisda sa lugar dahil ito lamang ang ikinabubuhay sa kani-kanilang pamilya.
Maliban dito, kailangan umanong manindigan na ang lugar na inaangkin ng China ay sakop ng exclusive economic zone (EEZ) na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na binabalewala ng China ang 2016 arbitral tribunal ruling na pabor sa Pilipinas.
Kilala umanong ang Sacrborough Shoal o Bajo de Masinloc ay bahagi ng kanilang munisipalidad na Masinloc, Zambales.
Dahil sa stand-off na nagsimula noong 2012 na nagtulak sa gobyerno ng Pilipinas na magsampa ng arbitration case laban sa Beijing, bumaba ng halos 80% ang kanilang huling isda.
Halos hindi na umano sila makalapit sa lagoon ng Bajo de Masinloc na isang mainam na lugar para mangisda at kanilang masilungan dahil sa pagharang ng China Coast Guard.
Sa kabilang daku, ikinatuwa naman ng naturang grupo ng mga mangingisda ang ginagawang pag-verrify ngayon ng Philippine Navy sa naispatang pipe installation ng ilan sa kanilang mga kasamahang divers sa Bajo de Masinloc.
Dagdag pa ni Cuaresma na malayang nakakagawa ng mga iligal na istraktura ang China dahil hindi na masyadong nakakalapit sa lugar ang nagpapatrolyang barko ng Philippine Coast Guard simula noong administrasyong Duterte.