-- Advertisements --

STAR FM BACOLOD – Nanawagan ng tulong sa pamahalaan ng Pilipinas ang mga Pilipino sa Djibouti, Africa.

Nababahala na rin kasi aniya sila sa kanilang kaligtasan ngayong patuloy na tumataas ang bilang ng COVID-19 patitents sa tinaguriang “Horn of Africa”.

Sa ulat ni Star FM Bacolod international correspondent Acrhie Completado, President ng Filipino community sa Djibouti, Africa, sinabi niyang hindi kakayanin ng kanilang bansa sa oras na tuluyang dadami ang COVID-19 positive cases doon dahil kulang ang kanilang mga pasilidad at ospital. 

Sa ngayon, naka-lockdown aniya ang isa sa mga malaking hospital sa kanilang bansa, na inaasahan oa naman nila sana na mapuntahan sa oras na makaranas sila ng sintomas ng nakakamatay na sakit. 

Dahil dito, tatlong ospital na lamang aniya ang nananatiling bukas ngunit kulang din ang mga ito sa mga kagamitan at gamot laban sa COVID-19.

Ikinalungkot naman aniya nila na hindi kasama silang mga OFWs sa Djibouti sa mga prayoridad ng pamahalaan ng Pilipinas na bigyan ng tulong sa pamamagitan ng financial assistance ng Department of Labor and Employment (DOLE).

“Wala pong nakalistang bansa sa Africa na priority doon po sa financial assistance. Ang sagot ng Embahasa sa amin ay wala pa raw pong binigay na guidelines ang DOLE dito sa POLO. Nais namin malaman kung ano ang dahilan kung bakit hindi kami maka avail dahil kailangan din namin ng pang gastos para may makain. 1 month ng lockdown dito noong April 18 at 1 month na din na walang sweldo ang karamihan sa amin. Mabuti pa ngayon at may mga kababayan kaming nagbibigay sa amin pero kung tatagal ang Pandemic na ito hindi namin alam kung hanggang kailan kami nila matutulongan dahil meron din silang sariling pangangailangan,” ani Completado.