-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Umaapela na ng tulog ang mga Pinoy sa bansang Djibouti upang mabigyan din ng financial support ng gobyerno ng Pilipinas.

Dahil din sa patuloy na pagdami ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases sa Djibouti ay nababahala sila sa kanilang kaligtasan lalo pa at kulang umano sa kahandaan ang nasabing bansa laban sa nakamamatay na virus.

Sa ulat ni Star FM Bacolod international correspondent Acrhie Completado, presidente ng Filipino community sa Djibouti, sinabi niyang hindi kakayanin ng Djibouti pag tuluyan pang dumami ang kaso ng COVID-19 dahil kulang sila ng mga pasilidad at ospital doon.

Dahil sa epekto ng deadly virus ay naka-lockdown na ang isang pinakamalaking hospital na inaasahan nilang mapupuntahan sana doon pag nakaramdam ng sintomas.

Tatlong hospital na lang ang nananatiling bukas ngunit kulang din ito sa mga kagamitan at gamot laban sa coronavirus.

Dagdag pa ni Completado na maraming Pinoy ngayon ang umaasang matulungan ng Philippine government matapos mawalan ng trabaho dulot ng Covid-19.

Kinakalungkot nila na hindi sila kasama sa priority na bansang makakatanggap ng financial assistance mula sa Department Of Labor and Employment (DOLE) dahil kailangan din nila ng tulong upang may pangbili ng makakain sa pang araw-araw.

Ang Djibouti ay isang maliit ngunit importanteng bansa sa Africa dahil host ito ng major American and French military bases.

Sa ngayon ay nasa 999 na ang COVID-19 cases at dalawa na ang namatay sa nasabing bansa.