BUTUAN CITY – Nakikipag-ugnayan na ang Filipino Community sa Central Africa sa Philippine Embassy para sa repatriation ng mga Pinoy na nais nang umuwi matapos mabahala sa pagbagsak ng kanilang ekonomiya dahil sa COVID-19.
Ayon sa OFW na si Thirdy Ichon sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan at nagtuturo sa pribadong paaralan sa Nairobi, Kenya, hirap na ang pamumuhay sa nasabing bansa na inaasahang lalala pa sabay sa paglobo ng kaso dahil papasok na ang kanilang taglamig.
Maliban dito, wala pang tulong galing sa gobyerno dahilang inaasahan na rin nila ang pagtaas ng insidente ng mga pagnanakaw at iba pang krimen.
Sa ngayon, naisumite na nila ang mga dokumento bilang paghahanda sakaling may repatriation na gagawin ang pamahalaan ng Pilipinas.
Patuloy din aniya ang ipinatupad ang lockdown sa Central Africa na nagsimula noong Marso 20.
Dagdag pa ni Ichon, Marso 15 pa isinara ang paaralan na kanyang pinagturuan at inabisuhan na rin sila na mag-imbak ng pagkain na tatagal ng dalawang buwan.
Inihayag pa sa OFW na hindi na siya lumalabas ng bahay sa takot na mapagkamalang Chinese.