BAGUIO CITY – Nananatiling ligtas pa rin ang mga Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho ngayon sa bansang Ecuador sa kabila ng lockdown doon dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa ulat sa Bombo Radyo Baguio ni Agnes Raflores, restaurant manager sa Guayaquil, Ecuador, sinabi niyang aabot lamang sa 150 ang mga Pinoy sa Ecuador kung saan apektado din ang mga ito dahil sa paghinto ng mga trabaho at pagsara ng mga establisimento.
Gayunman, dumidiskarte aniya ang mga ito para magkapera sa pamamagitan ng pagluto ng mga pagkain na kanilang ibinebenta online.
Pinagpapasalamat naman ng Filipino Community sa Ecuador ang kawalan ng mga Pinoy doon na nahawaan ng kinatatakutang virus.
Samanta, sinabi ni Raflores na ang Guayaquil na kanyang kinaroroonan ang sentro ng epidemya ng COVID-19 sa Ecuador kung saan hindi aniya napaghandaan ng pamahalaan at mga ospital doon ang biglaang pagdami ng kaso ng nasabing sakit.
Sa ngayon, aabot aniya sa 9,500 ang COVID cases sa Ecuador na may 474 na pagkamatay.
Dinagdag nito na humingi ng tawad ang bise presidente ng Ecuador kasunod ng pag-viral ng mga larawan ng maraming bangkay na iniiwan na lamang sa mga kalsada sa Guayaquil kung saan aabot sa 150 bangkay ng kinolekta ng mga otorida nitong linggo.
Aniya, maraming bangkay na binalot lamang ng makakapal na plastik, karton na pinaglagyan ng prutas at kahoy na kabaong ang iniiwan sa mga kalsada, cargo trailers at parking lots sa Ecuador bagaman walang kumpirmasyon kung biktima ang mga ito ng COVID-19.
Hinigpitan pa aniya ang implementasyon ng mga alituntunin doon gaya ng social distancing, pagsusuot ng facemask at nightly curfew kasunod ng patuloy na pagdami ng COVID cases.