BAGUIO CITY – Masuwerte ang mga Pinoy na nakatira at nagtatrabaho ngayon sa autonomous country na Faroe Islands dahil sa patuloy na pagtanggap nila ng tulong mula sa Faroese government.
Ayon kay Manilyn Estrella Jacobsen, kauna-unahang Pinay nurse sa Faroe Islands, bagaman nawalan ng trabaho ang ilang mga Pinoy doon ay nakakatanggap pa rin ang mga ito ng tulong at suporta mula sa pamahalaan ng Faroe Islands.
Aabot lamang aniya sa higit 200 ang mga Pinoy doon at karamihan na trabaho ng mga ito ay sa mga fishing companies.
Samantala, naitala aniya ang unang kaso ng COVID-19 sa Faroe Islands nang dumating doon ang isang lalaking nahawaan ng nasabing virus sa Paris.
Matapos madagdagan ang kaso nila doon ay isinailalim ang isla sa lockdown noong March 13 at isinara lahat ng mga establishimento na hindi kasama sa essential industries habang pinapayagang makalabas ang mga health workers katulad niya at mga magpapalengke.
Pinuri pa ni Jacobsen ang mahigpit na pagsunod ng mga residente doon sa mga quarantine guidelines.
Sa ngayon, 187 ang kaso ng COVID-19 sa Faeroe Islands bagaman isa na lamang ang binabantayan nila sa ospital dahil gumaling na ang 186 na mga pasyente.