KALIBO, Aklan—Nananatiling ligtas ang mga Pinoy sa Haiti sa gitna ng malawakang gulo at pagtakas ng ilang libong mga mapanganib na inmates sa pinakamalaking prison facility sa nasabing bansa.
Ayon kay Bombo International Correspondent Fatima Irodistan Sylvain, napilitan aniya ang gobyerno na magdeklara ng state of emergency dahil sa nangyaring gulo sa kabisera ng bansa na nagresulta sa pagkasira ng linya ng komunikasyon at dalawang prison breaks.
Iginigiit aniya ng mga lider ng gang na mapatalsik sa pwesto si Prime Minister Ariel Henry.
Dahil sa mga insidente ng pamamaril, ilang kabahayan at opisina ng mga pinoy ang tinamaan ng bala kabilang na dito ang waiting area ng airport kung saan, may ilang mga Filipino doon ang nakatakdang i-repatriate ang tinamaan din ng mga ligaw na bala.
Dagdag pa ni Sylvain na inabisuhan ang mga pinoy na mag-ingat lalo na ang mga papasok at pauwi mula sa trabaho dahil sa kaliwa’t kanang gulo sa iba’t ibang lugar sa Port-Au-Prince.
Hindi na aniya ligtas ang buong bansa dahil pinamumugaran ito ng mga gangs na dahilan ng malawakang kidnapping, hold-up at iba pang krimen.