Pinayuhan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Pilipino sa Hong Kong na iwasang magtungo sa mga lugar kung saan nagkakagulo ang mga pulis at mga nagsasagawa ng kilos protesta dahil sa kontrobersiyal na Extradition Bill.
Nabatid na aabot na sa 70 katao ang injured magmula nang magsimula ang kaguluhan kahapon, ilang oras matapos na nagtungo sa mga kalsada ng lungsod ang ilang libong katao para ipabatid ang kanilang pagtutol sa isinusulong na panukalang batas.
Ayon sa DFA, nanawagan na ang Philippine Consulate sa mga Pilipino sa Hong Kong na umiwas sa mga lugar kung saan mayroong kilos protesta, partikular na sa Legislative Complex, Admiralty at Tamar Park.
Dapat na mag-ingat at manatiling mapagmatyag aniya ang mga Pilipino sa mga kaganapan doon.
Sinabi ng DFA na kung maari ay ikonsidera rin ng publiko na i-reschedule na lamang ang kanilang mga transaksyon sa Philippine Consulate na matatagpuan malapit sa demonstration sites.
Dahil sa gulo, gumamit na ng tear gas, rubber bullets at batons ang mga pulis para labanan o i-control ang mga raliyista.