Binalaan ng Embahada ng Pilipinas ang mga Pilipino sa Israel na mag-ingat sa pagsakay sa mga pampublikong transportasyon gaya ng mga bus at tren sa gitna ng nagpapatuloy na security concerns sa rehiyon.
Sa inilabas na advisory ng Embahada, pinayuhan nito ang mga Pilipino sa Israel na kapag bibyahe sa karatig na lugar maaaring mag-bisikleta na lamang, o gumamit ng electric scooters o maglakad sa mga rutang kakaunti ang tao.
Inabisuhan din ang mga Pilipino doon na lumayo mula sa Israeli security forces na nakadeploy sa mga sensitibong lugar.
Gayundin, dapat na sumunod sa mga abiso mula sa Israeli security forces at Home Front Command.
Para sa kaukulang assistance, maaaring tawagan ng mga Pilipino ang emergency hotline ng Embahada sa Tel Aviv na +972-54-466-1188.
Inisyu ng Embahada ang naturang abiso kasunod ng naitalang 3 insidente ng pagsabog noong gabi ng Huwebes sa Bat yam city sa timog ng Tel Aviv. Sa kabutihang palad walang sakay na mga pasahero ang naturang mga bus nang mangyari ang pagsabog.