KALIBO, Aklan—-Nananatiling kalmado at ligtas ang mga Pinoy sa Israel kasunod sa pag-atake ng Iran.
Ayon kay Melly Jean Novilla, Bombo International Correspondent sa Tel Aviv, Israel na maraming lugar sa bansa ang may tinatawag na “protected spaces” upang may taguan ang mga mamamayan laban sa pinapakawalan na ballistic missiles ng Iran papunta sa Israel.
Nasaksihan nito ang mga nagliparang mga missiles sa himpapawid ngunit naharang ito ng iron dome defense system ng bansa.
Sunod-sunod aniya ang mga tunog ng alarms na senyales na kailangang pumasok ang mga tao sa inilaang mga bomb shelters.
Samantala, sa inilabas na anunsyo ng Embahada ng Pilipinas na kailangang sumunod ang mga Filipino sa abiso ng Home Front Command.
Nabatid na ang inilunsad na ballistic missiles ng Iran ay bilang ganti sa kampanya ng Israel laban sa mga kaalyado ng Hezbollah sa Lebanon.