DAVAO CITY – Nakaka-alarma na umano ang kalagayan ngayon ng mga kababayang Pinoy sa Itay dahil sa nagpapatuloy na banta ng coronavirus disease COVID-19.
Itoy dahil maliban sa grabeng diskriminasyon, tumataas na rin umano ang bilang ng mga namatay dahil sa naturang sakit.
Inihayag ni Vivian Torres, tubong Davao City at 30 taon nang naninirahan sa Rome, Italy na sa ngayon umabot na sa 2,706 ang naitalang positibong kaso ng COVID – 19, kung saan 107 nito ay namatay na habang 270 na ang gumaling.
Dahil dito, ini-utos na umano ng pamahalaan ng Italy na ipasara ang lahat ng mga eskwelahan nito simula ngayong araw Marso 5 hanggang Marso 15 upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Apektado na rin umano ang ekonomiya ng Italy dahil bumaba na ang bilang ng mga turistang pumapasok sa kanilang bansa na nag resulta na rin sa pagkakatanggal ng maraming mga Pinoy na nagtatrabaho sa mga hotels.
Ibinunyag ni Torres na pa-lihim na bumibili ng maraming supply ng pagkain ang mga Pinoy sa Italy para paghandaan ang posibling panic buying, at wala na rin umanong mabibiling facemasks sa mga botika at kung meron man, para lamang umano sa kanilang mga mamamayan.
Sa kabila nito, sinisikap pa rin umano ni Torres kasama ang pamilya nito na ipagpatuloy ang normal nilang buhay sa Italy.
Kasama ni Torres na nakatira sa Rome Italy ang kanyang 3 anak at asawa.