GENERAL SANTOS CITY – Naging pahirapan na makakuha ng ticket para sa nalalapit na exhibition fight ni 8 division world boxing champion Manny Pacquiao sa Japan.
Ito ang ibinunyag ni Bombo International Correspondent Myles Beltran sa nabanggit na lugar.
Aniya, tiyak na dadagsa ang mga tao sa labanang ito dahil matagal na itong hinihintay hindi lamang ng mga Pinoy sa Tokyo kundi maging ng ibang lahi.
Dagdag pa nito, may mga bumiyahe na papuntang Tokyo para masaksihan ang laban ni Pacman.
Makakaharap ng 45 yrs. old Filipino boxing icon ang Japanese kickboxer, 6 foot na si Rukiya Anpo sa tatlong rounds na laban na may tatagal ng tig-tatlong minutos ang kada round.
Samantala, ibinahagi naman ni Beltran na masaya siya nang nagpaunlak sa kaniya ng interview si ex-Sen. Pacquiao nang dumating sa Haneda Airport noong Martes ng gabi kasama si Jinkee at mga anak.
Ang laban ay gaganapin sa Saitama Super Arena sa Linggo, Hulyo 28.
Matatandaan na ang huling laban ni Pacquiao sa boxing ring ay nangyari noong December 2022 nang tinalo nito si South Korean martial artist DK Yoo via unanimous decision.
Si Anpo naman ay dating K-1 super lightweight champion at 2021 K-1 welterweight Gran Prix runner-up.