Pumalo na sa 41 ang bilang ng mga Pilipinong sakay ng naka-quarantine na cruise ship na MV Diamond Princess sa Yokohama, Japan ang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).
Nakumpirma kasing nagpositibo sa sakit ang anim pang Pinoy na sakay ng naturang barko.
Sa pulong balitaan sa punong tanggapan ng Department of Health, sinabi ni DOH Asec. Maria Rosario Vergeire na pawang mga crew members ang dinapuan ng virus.
Dinala naman aniya ang lahat sa ospital at kasalukuyan nang nagpapagaling.
Samantala, nilalakad na rin ng gobyerno ng Pilipinas ang pagpapauwi sa nasa 500 Pilipinong tripulante na sakay din ng MV Diamond Princess.
Ayon kay Vergeire, ang mga asymptomatic o hindi makikitaan ng senyales ng COVID-19 lamang ang mga maisasama sa repatriation.
“DOH will follow strict infection and quarantine procedures to ensure the safety of our repatriates and health workers who will man the quarantine facility,” wika ni Vergeire.
Habang ang mga Pilipinong nagpositibo sa virus ay hindi makakasama sa repatriation at maiiwan sa Japan hanggang sa tuluyan na silang makarekober.
Patuloy naman daw ang koordinasyon ng DOH sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Foreign Affairs, maging sa mga otoridad sa Japan kaugnay sa isyu ng repatriation.
Kaugnay nito, ayon kay Vergeire, ang employer ng mga Pinoy crew ang sasagot sa bayad sa airplane travel mula Japan patungong Pilipinas.
Bagama’t hindi binanggit kung saan dadalhin ang mga Pilipinong ika-quarantine, sinabi ng opisyal na patuloy din ang pakikipag-usap ng gobyerno sa isang local government unit na posibleng pagdalhan sa mga ito.
“We already have identified a facility. But for now we want to properly coordinate it with the local governments and the community,” anang opisyal. “We understand the concerns of the local governments.”
Binanggit din niya na voluntary o hindi saplitan ang pagpapauwi sa mga Pilipino kaya kung ayaw nilang bumalik dito sa Pilipinas ay hindi nila ito pipilitin.
Tiniyak naman ng opisyal na sapat ang kanilang assets at assistance para sa mga uuwing Pilipino.