Ibinahagi ng isang Pinoy sa bansang Kyrgyzstan ang iba’t-ibang problema na kinakaharap ng Central Asian country sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa panayam ng Star FM Baguio kay Aileen Dacumos, isang teacher sa Bishkek, Kyrgyzstan, sinabi nitong kulang ang health facilities at iba pang medical supplies ng bansa.
“Kulang din yung mga facilities dito. Sa mga front liners naman na medical staff, one hundred plus na rin ang mga doctors and nurses ang nahawahan na ng COVID. May mga nakarecover naman na, so I guess okay yung treatment dito. Although nag kulang talaga lalo na nung nag start.”
Maging ang trabaho umano nilang mga Pilipino, lalo na ng mga teachers ay apektado dahil sa delay ng sahod kasunod ng pagiging online ng mga klase.
“Halos lahat kami affected talaga. Unang-una, delayed yung salary. Meron ding iba ditong school na tinerminate na yung contract nila. Nagkaroon tayo ng economic crisis. Marami ang walang work. Sa school din namin, may mga parents na hindi na nagbabayad kasi wala din naman sila.”
Samantala, sinabi rin naman nito na sumusunod silang mga Pilipino sa ipinapatupad ng lockdown kaya maayos pa ang kanilang kalagayan at wala pang Pinoy na nahahawa sa coronavirus.
Sa kasalukuyan ay mayroong 895 na kaso ng coronavirus, 637 dito ang nakarecover habang 12 naman ang namatay sa Kyrgyzstan.