KORONADAL CITY – Pansamantalang nanunuluyan ngayon sa mga hotel ang ilang mga residente kabilang mga Pinoy sa Minnessota,USA dahil sa takot na lumala ang karahasan sa kanilang lugar.
Ito’y makaraang aksidenteng nabaril-patay ng isang police officer ang isang 20 anyos na Black American na si Daunte Wright sa Brooklyn Center, Minneapolis dahil sa paglabag sa batas trapiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Bombo International Correspondent Lynn Rivamonte Mokaya, kinumpirma nito na mabilis na dumami ang nagtungo sa pinangyarihan nga insidente at karamihan sa kanila ang galit na galit sa ilang police officers dahil sa nangyari.
Ayon kay Mokaya, hindi pa lubos na natatapos ang issue sa pagpatay sa Black American na si George Floyd nadagdagan na naman ang Black American na napatay ng mga pulis sa kanilang lugar, kaya’t marami sa mga umiiwas sa mga posibleng kaguluhan, mas minabuti nang manuluyan sa ilang hotels.
Dagdag pa ni Mokaya, mas naging agresibo na ang mga Black Americans sa pag suporta sa mga patayang naganap lalo na kapag ang biktima ay isang Black American.