BAGUIO CITY – Nakarekober na ang mga Pilipino sa Norway na nagpositibo sa COVID-19 habang nananatiling nasa mabuting kalagayan ang mga Pinoy na naninirahan at nagtatrabaho ngayon doon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Consul General Maria Elena Algabre ng Philippine Embassy in Norway, sinabi niyang nakahanda ang embahada na tumulong kung may mga overseas Filipino workers (OFWs) doon na maaapektuhan sa nasabing sakit o krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Nagbukas na aniya ang embahada sa Norway kahapon kasama ang help desk at puwede ng magpa-appoint ang mga Pinoy doon na may mga concerns.
Ipinagmalaki din ni Algabre ang mahigpit na pagsunod ng higit 26,000 na mga Pinoy sa Norway sa mga alituntunin ng nasabing bansa para makaiwas sa coronavirus.
Ayon sa Consul General, aktibo ang Norwegian government sa pagbigay ng social at medical benefits sa lahat ng workers doon kasama ang mga dayuhan.
Sa ngayon, inaasikaso na ang repatriation ng dalawang Pinoy sa Norway na gustong umuwi dito sa bansa.
Samantala, unti-unti na raw bumabalik sa normal ang sitwasyon sa Norway dahil binuksan na kahapon ang mga paaralan at ibat-ibang establisimento doon.
Sa huling tala, aabot sa 6,800 ang positibong kaso ng COVID sa Norway at 136 ang mga namatay.