-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Direkta nang humingi ng tulong ang mga Pinoy na apektado ng coronavirus disease (COVID-19) kay Pangulong Rodrigo Duterte habang sila ay nakikipagsapalaran sa bansang Romania na sakop ng Europe.

Ito ay matapos nasa 80% ng mga Pinoy sa Romania ang nawalan ng trabaho dahil sa pagbagsak ng ekonomiya epekto ng COVID-19.

Iniulat ni Bombo Radyo international correspondent Josephine David na sila-sila na lamang ang kumukop ng mga kababayang Pinoy na naghihirap dahil sa biglaan na pagkawalan ng kanilang trabaho.

Inihayag ni David na nadismaya raw sila kay Labor Sec. Silvestre Bello III na mas nabigyan pa ng prayoridad ang Cyprus na maliit lamang ang kaso ng COVID-19 kumpara sa Romania na maraming Pinoy ang naghihirap ng hanapbuhay.

Ito ang dahilan kaya nagagalak sila na natunton ng Bombo Radyo ang kanilang lokasyon upang mapaabot kay Duterte ang kanilang sitwasyon at umaasa na mabigyang aksyon ang kanilang kalagayan.

Sa ngayon, walang naitala na anumang fatalities sa mga Pinoy sa Romania na kasalukuyang naka-lockdown.